Dear A

At Sa Lahat ng Lumisan

2016 Nov 12 3 Minute Read By Marvin Isaac

Dear A,

Sorry kung sobrang late pero sabi ko sayo meron diba? Ito na yun.

Nung sinabi mo noon na aalis ka, medyo nagulat ako. Kung tama ang pagkakatanda ko, sa iba ko pa nalaman tapos saka mo lang sinabi sa akin. At syempre, bilang isang emoterong Kuya, medyo nagtampo ako. Nagtampo ako kasi mawawala na yung isa sa mga pinagkakatiwalaan kong tao, yung isa sa mga best adviser ko at mawawala na yung isa sa mga taong alam kong makikinig sa mga kwento ko. Puro selfish reasons diba?

Tapos ayun, nung andyan ka na, madalas seenzoned o sobrang ikli mo lang mag-reply. Syempre, nagtampo na naman ako.

Kakatapos ko lang manood kanina ng “A Mother’s Story” ni Pokwang at dun ko mas lalong na-gets bakit hindi ako dapat magtampo sayo. Actually, bakit mali na nagtampo ako sayo.

Kung pakiramdam ko nawalan ako ng isang tao, paano ka pa? Pupunta ka sa malayong lugar kung saan wala ka halos kakilala, kung saan pag nalungkot ka, wala kang makakausap, kung saan pag nangulila ka, wala kang malalapitan. Kung pakiramdam ko inilalayo mo ang sarili mo sa amin, paano ka pang literal na malayo sa lahat ng taong mahal mo?

Alam mo, noon pa man, hanga na ako sayo kasi ikaw yung isa sa mga pinakamatatag na taong kilala ko. Sa katunayan, ikaw yung isa sa mga pinaghuhugutan ko ng mga ngiti pag malungkot ako, ikaw yung isa sa mga sinasandalan ko pag nanghihina ako at ikaw yung isa sa mga taong gumagabay sa akin pag naliligaw ako.

Alam mo, nung mga panahon na pakiramdam ko inilalayo mo ang sarili mo sa amin, talagang nagtampo ako. Talagang inisip ko kinalimutan o kaya pinagpalit mo na kami. Kanina nung nanonood ako, naalala kita. Naisip ko na mali lahat ng inisip ko at dapat wag akong maging makasarili.

Umalis ka para tulungan ang pamilya mo. Umalis ka kasi gusto mong matuto, gusto mong lumawak ang mundo mo, gusto mong makakilala ng ibang tao, gusto mong makapunta sa ibang lugar. Umalis ka kasi, sa isip at puso mo, yun ang tama, yun ang kailangan mong gawin at, syempre, yun ang gusto mo.

Kanina nung nanonood ako, naitanong ko sa sarili ko kung kaya ko ba yung ginawa mo. And to be honest, hindi. Takot nga akong mag-commute pag madilim na e, tapos titira pa ako sa malayong lugar na wala akong kakilala? Takot akong mag-English tapos gagawin ko oras-oras? Takot akong mabuhay mag-isa tapos gagawin ko sa sobrang layong lugar pa?

Siguro kung papaikliin ko tong sulat na to, ang sasabihin ko lang sayo, nakakamangha ka. Hindi biro yung sakripisyo mo, yung mga nakakatakot na bagay na hinarap at hinaharap mo, yung mga bagong bagay na sinubukan at nagawa mo, yung mga pangarap na hinahabol at pinagpapaguran mo.

A, you’re one of the most incredible people I know. And I know that you’ll only grow because of that path you chose.

Whatever happens, wag mong kakalimutan na andito kami, andito ako, para sayo. I love you.

PS Wag na gagaya kay Kuya na masyadong negative ha? May darating din para sayo at, malay natin, mas gwapo pa sa akin. Haha. XD